Published On: Tue, Aug 21st, 2012

Biktima ng nagbanggaang motorsiklo, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

Ang paglapat ng first aid ng UNTV News and Rescue Team Cebu sa isang naaksidenteng motorista. (UNTV News)

CEBU, Philippines — Sugatan ang isang lalaking sakay ng motorsiklo matapos makabangga ang isa ring motorsiklo sa South Road Properties, alas-onse ng gabi ng Biyernes.

Agad nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at dinala sa Cebu City Medical Center.

Ang nakaangkas naman sa kanyang motorsiklo ay tinulungan na ng Emergency Rescue Unit Foundation o ERUF sa Cebu.

Ayon sa rider, mahina ang takbo nila at hindi niya napansin ang kasalubong na motorsiklo na mabilis ang takbo kaya tumilapon siya at ang sakay niya.

Wala namang tinamong sugat ang nabangga nilang motorsiklo subalit sila ang binalingan nito ng sisi dahil sa bigla umanong kumaliwa ang biktima kaya humantong sa banggaan.

Kwento ng nakabanggang motorista na si Francisco Reponte Jr., (Translation): Maaga silang kumaliwa, pagkasabi ng asawa ko na mababangga tayo, Dong. Kaya kinabig ko nang kaunti, pero pagtingin ko, nandiyan na sila, kung mag-break ay alanganin na.

Ayon naman sa resulta ng imbestigasyon, parehong may kasalanan ang dalawang motorista sa nangyaring aksidente.

(Ito Ang Balita ni Josiel Kandamkulathi, UNTV News)