Bidding sa pagbili ng karagdagang train coaches ng MRT-3, sisimulan sa susunod na linggo

FILE PHOTO: Isang MRT coach o tren na paparating sa isang istasyon nito (UNTV News)
MANILA, Philippines — Bubuksan na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang bidding para sa pagbili ng karagdagang train coaches ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa susunod na linggo, Marso 22.
Ito ay upang maibsan ang pagsisiksikan ng mga pasahero sa mga istasyon ng MRT tuwing rush hour.
Ayon sa pamunuan ng MRT, halos 600-libo ang sumasakay sa MRT-3 araw-araw mula North Avenue sa Quezon City hanggang sa Taft Avenue sa Pasay at vice versa.
Sa kasalukuyan ay mayroon lamang 73 train coach ang MRT-3 na gawa pa sa Czechoslovakia.
Ayon sa MRT, sa ngayon ay tatlong tren lamang ang bumibiyahe sa kada tatlong minutong interval. Kapag natuloy ang expansion, apat na tren na ang magagamit kada dalawang minutong interval.
Apatnaput walong (48) train coaches ang nakatakdang bilhin ng kagawaran.
Aabutin ng mahigit 3-bilyong piso ang kontrata para sa MRT-3 expansion project ng DOTC.
Ayon sa MRT, pagkatapos ng bidding ay bibilang pa ng 24- buwan o 2-taon bago makuha ang mga karagdagang train coach.
Kasama rin sa expansion project ang pag-upgrade ng traction power substations at maging ang signaling system ng MRT.
Requirement ng DOTC sa mga bidder na dapat ay tugma sa kasalukuyang sistema ng MRT-3 ang mga train coach na kanilang ipagagawa.
Bukod sa pagdadagdag ng train coaches, pinag-aaralan na rin ng DOTC kung bibili ng mga segundamanong tren mula sa bansang Espanya na iniaalok ng Metro de Madrid. (Mon Jocson & Ruth Navales, UNTV News)













