Awiting “Kaybuti Mo, oh Dios”, tinanghal na “Song of the Week” ng ikatlong producer’s pick episode ng ASOP

Ang composer na si Wilfredo Zabala kasama ang interpreter na si Ms. Jenine Desiderio ng nanalong ASOP Song of the Week na “Kay Buti Mo Oh, Dios” (PHOTOVILLE International / Gaye Fritz Ofilas)
CALOOCAN CITY, Philippines — Isang linggo bago ang huling monthly finals ng A Song of Praise o ASOP Music Festival, tinanghal na “song of the week” ang awiting “Kaybuti Mo, oh Dios” sa ikatlong producer’s pick episode nito noong Linggo.
Nahirapan man ang mga huradong sina Rannie Raymundo, Jamie Rivera at Mon del Rosario sa apat na pinabalik na entries, pinakaaprubado sa kanila ang komposisyon ni Wilfredo Zabala.
Labis na ikinatuwa nito ang pagbalik ng kanyang naunang interpreter na si Jenine Desiderio.
Ani Wilfredo Zabala, composer ng “Kaybuti Mo, oh Dios,”“Siyempre iba po talaga ‘yung siya (Jenine Desiderio). Kumbaga siya po ang original na, siya po ang nag-umpisa. Talagang siya po ‘yung talagang … bagay po sa kaniya ‘yung kantang ‘yun.”
Anang interpreter naman nito na si Jenine Desiderio, “I’m very very happy. Kay buti talaga ng Dios, lalo na kay Wilfredo at sa akin kaya ‘yan, good luck sa amin.”
Dinaig ng naturang entry ang mga awiting “Ikaw Lamang ang Pupurihin Ko” ni Rafael Deyto na inawit ni Reymond Sajor, “Ang Awa Mo” ni Bernabe Escudero sa rendisyon ni Jan Nieto at “Ikaw Ama’y Handang Magpatawad” sa interpretasyon naman ni Chad Borja.
Samantala, aminado rin si Jenine na nakadagdag excitement sa kanyang pagbabalik interpreter nang nalamang isa sa mga hurado ang kapareho nyang “Miss Saigon” lead actress na si Jamie Rivera.
“All of them are actually old friends kaya lang at first… “ikaw pala ang magja-judge.” Pero kasi nga, we were saying it’s actually the song’s competition. Ang talagang dyina-judge dito ‘yung ganda ng kanta ng composers. Kami lang ‘yung waiter na taga-deliver nung song,” pahayag pa ni Jenine Desiderio. (Ito Ang Balita ni Adjes Carreon, UNTV News)













