Awiting “Ikaw ang Ngayon, Bukas at Kailanman”, pasok na sa Grand Finals ng ASOP

Ang interpreter ng awiting “Ikaw ang Ngayon, Bukas at Kailanman na si Aia De Leon at ang composer nito na si Christian Obar. (PHOTOVILLE International / Gaye Fritz Ofilas)
CALOOCAN CITY, Philippines — Tinanghal na ikalabindalawang grand finalist ng A Song of Praise o ASOP Music Festival ang awiting “Ikaw ang Ngayon, Bukas at Kailanman” sa Producer’s Pick month noong Linggo ng gabi.
Ito’y obra ni Christian Obar at sa interpretasyon naman ng bokalista ng bandang Imago na si Aia de Leon.
“Talagang super saya po talaga! Maraming maraming salamat po talaga sa Panginoon tsaka lalung-lalo na sa ASOP po. Maraming salamat po, maraming salamat. Kung ‘di dahil sa’yo, wala ako ngayon dito sa kinalalagyan ko. Maraming, maraming salamat po,” ani Obar na composer ng ‘Ikaw ang Ngayon, Bukas at Kailanman’
Aminado ang mga huradong sina Rannie Raymundo, Jamie Rivera at Mon del Rosario na hindi naging madali sa kanila ang pagpili sa mananalo dahil sa ganda ng iba pang kalahok tulad ng komposisyon ni Jojo Alejar na “Praise and Thank You, Lord” na inawit ni Gian Magdangal at “Kaybuti Mo, Oh Dios” ni Wilfredo Zabala na inawit naman ni Jenine Desiderio.
Naging hudyat naman ang pagtatapos ng programa para magsimula ang online voting ng “People’s Choice” category ng “Song of the Year.”
Pumunta lamang sa official website ng asop na www.asoptv.com.
Ang huling araw ng botohan ay sa September 23, 2012, isang araw bago ang grand finals nito sa Smart-Araneta Coliseum. (Adjes Carreon, UNTV News)
Grand Finals 2012 Online Voting for People’s Choice Award













