Artist Sketch ng Isa sa Umano’y Kidnapper ni Rolito Go, Inilabas na ng PNP

Si PNP Spokesperson Generoso Cerbo Jr., hawak ang artist sketch ng umano’y nangkidnap sa NBP prisoner Rolito Go. (UNTV News)
MANILA, Philippines — Isinapubliko na ng Philippine National Police ang artist sketch ng isa sa apat na suspek na umano’y dumukot kay Rolito Go sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Ayon kay PNP Spokesperson Generoso Cerbo Jr., mismong si Go ang naglarawan ng isa sa mga lalaking dumukot sa kaniya.
Sa tulong ng Anti-Kidnapping Group ng PNP na pangunahing nagi-imbestiga sa kaso, nailabas ng PNP Crime Lab ang nasabing sketch.
Ayon sa larawan, ang suspek ay may taas na 5’5 hanggang 5’6 may katamtamang pangangatawan, maitim, nasa edad 35 hanggang 38 taong gulang, at may timbang na 85-90 kilograms.
Sinabi pa ng tagapagsalita ng PNP na ito rin ang itinuturong leader ng grupo ng suspek.
“Ito po yung unang nagawa ng crime laboratory. Ito po ang ina-alleged nila na may hawak ng 45 (calibre pistol). Ito po ang armado sa apat na nagpakilalang NBI,” pahayag ni Cerbo.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP. Hindi pa rin inaalis ang anggulong kidnapping bukod sa iba pang anggulong tinitingnan ng NBI.
“Sa part ng PNP, kami naman ay umaakto base sa testimonya ni Rolito Go binibigyan lang namin ng respeto yung kanilang alegasyon,” dagdag pa ni Cerbo.
Plano ng PNP na ipakalat ang nasabing larawan para mapabilis ang proseso ng pagkilala at pagdakip sa suspek. (Ito Ang Balita ni Grace Casin/Marje Navarro, UNTV News)














Recent Comments