95 OFW na Nakabinbin pa rin sa Saudi Arabia, Nanawagan ng Tulong sa Gobyerno

Si Engr. Gregorio Taguding, kasama ang iba pang mga OFW habang ipinapakita ang sulat nila kay Vice President Jejomar Binay noong Nobyembre 2010 pa umano bilang paghingi ng tulong sa kanilang kalagayan. (UNTV News)
SAUDI ARABIA — Hindi pa makauwi sa Pilipinas ang 95 Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia matapos na magdeklara ng bankruptcy ang kanilang kompanya.
Nanawagan ang mga apektadong OFW sa gobierno na matulungan silang makauwi na ng bansa. Humigit kumulang isang taon na umano ang kanilang paghihintay subalit wala pa ring nangyayari at nakabinbin pa rin ang kanilang sahod sa kanilang pinapasukan.
Nagpahayag naman ng saloobin si Absolon Paat, tagapagsalita ng grupo, ukol sa pagtrato sa kanila ng Philippine Ambassador to Saudi Arabia na si Ambassador Ezzedin Tago nang sila ay magtungo sa embahada.
“Ang tanong ko po sa kanya, kung ano ang hakbang na ginagawa niya kung paano kami makakauwi sa Pilipinas. Ang sabi po niya ay hindi niya daw alam at ayaw niya na magpangako po sa amin. Iyon po ang sinagot po niya sa amin,” pahayag ni Paat.
Naglabas din ng saloobin si Mang Ibrahim sa kanilang sitwasyon.
“Ang ibig naming mangyari ay sa lalong madaling panahon na kami ay makakauwi na. Ang aming pamilya naghihintay na doon. Hindi na kami pinasasahod doon. Sa loob ng isang taon at anim na buwan, wala na kaming tinanggap doon,” pahayag nito.
Kaya naman nanawagan ang mga ito sa gobyerno ng Pilipinas na matulungan silang muling makauwi sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Idinulog na namin ito sa ating POLO, sa embahada ng Pilipinas at ganun din sa Pangalawang Pangulo ng Pilipinas. Sa katunayan, ito ang sulat namin sa Pangalawang Pangulo ng Pilipinas noon pang Nobyembre 2010 at hanggang ngayon sa awa ng Dios ay nandirito pa rin kami,” malungkot na pahayag ni Engineer Gregorio Taguding.
Nakapagbigay naman ng tulong ang embahada gaya ng medical assistance at pagpapadala ng mga tubig na maiinom ngunit hindi anila ito sapat dahil ang nais nila ay makauwi na sa Pilipinas. (Ito Ang Balita ni Jude Abarquez/Marje Navarro, UNTV News)














Recent Comments