Published On: Wed, Aug 29th, 2012

9 na Pinoy Paralympians, Sasabak sa London 2012 Paralympic Games

ENGLAND, United Kingdom – Ngayong araw (Agosto 29) pasisimulan ang London 2012 Paralympic Games sa London, England kung saan siyam (9) na atletang Pilipinong may kapansanan ang makikipagtagisan ng galing sa larangan ng palakasan.

Apat na libo at dalawang daang atletang may kapansanan ang kalahok na manggagaling sa 166 na bansa. Siyam na atleta ang magmumula sa Pilipinas.

Ito ang itinuturing na pinakamalaking delegasyon ng bansa mula ng sumali ito sa paralympics noong 1988 sa Seoul, South Korea.

Apat sa mga atletang pinoy ang makikipagtagisan ng galing sa larangan ng athletics. Ito ay sina Andy Avellana para sa high jump; Isidro Vildosola para sa 1500-meter run; Roger Tapia para sa 200-meter run; at si Marites Burce para sa javelin throw, discuss, at shotput.

Tatlong atleta naman ang lalahok sa powerlifting. Ang mga ito ay sina Adeline Ancheta para sa 85-kg division; Achelle Guion para sa 48-kg division; at Agustin Kitan 52-kg division.

Si Beariza Ma. Roble naman ay lalahok sa tatlong freestyle events sa swimming; habang si Josephine Medina ang maglalaro sa table tennis. Siya rin ang napili bilang flag-bearer ng bansa sa opening ceremony parade.

Ayon sa Philippine Sports Association of the Differently Abled o PHILSPADA, sa siyam na Filipino paralympians, lima rito ay outright qualifiers.

Ang outright qualifier ay kinakailangang nasa top 24 na pinakamahuhusay na manlalaro sa buong mundo.

Samantala, ayon naman kay International Paralympic Committee President Philip Craven, ang London 2012 Paralympic Games ay nakapagtala na ng 2.4 million online ticket sales na siyang pinakamarami sa kasaysayan kaya’t inaasahang dudumugin ito ng publiko. (Jovic Bermas/Marje Navarro, UNTV News)