Published On: Tue, Aug 7th, 2012

9 Patay Dahil sa Landslides sa Commonwealth, Quezon City

 

Quezon City, Philippines – (Update) Patay ang 9 katao nang matabunan ng gumuhong lupa ang 4 na bahay sa may bahagi ng Commonwealth, Quezon City dahil sa mga pagulan.

Patay na nang mahukay ng mga rescuer ang 8 katao na natabunan ng gumuhong lupa habang 1 ang isinugod sa East Avenue Medical Center dahil sa kritikal na kondisyon subalit binawian rin ito ng buhay.

Isa sa pinaka-grabeng natabunan ng lupa ang bahay ni Jesse Baylon. Ayon sa kaniya, kasama sa natabunan ng lupa ang kanyang 3 week old na apo at 4 pang mga bata.

Nahirapan naman ang mga rescuer sa pag-rekober sa mga biktima dahil sa malakas na ulan at pagbaha.

Nangangamba naman ang mga residente dahil posibleng masundan pa ang pagguho ng lupa lalo’t maraming mga bahay sa lugar ang nakatayo sa paanan ng mataas na bundok.

Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, matagal na nilang pinapaalis ang mga tao sa lugar ngunit nagmamatigas ang mga ito.

“May movement na dito talaga na ilikas sila, unfortunately inabot tayo ng ganitong panahon na tuloy tuloy ang pagulan at yun na nga nangyari na itong sakuna na hindi natin inaasahan, pero marami ng preparasyon to unfortunately that this really happen,” pahayag ni Quezon City Mayor Herbert Bautista. (Ito ang Balita ni Mon Jocson/Ruth Navales, UNTV News)