Published On: Wed, Aug 8th, 2012

58 Barangay sa Bacoor Cavite, Apektado ng Matinding Pagbaha

 

CAVITE, Philippines – Umabot na sa 58 na mga barangay sa Bacoor,Cavite ang lubhang naapektuhan ng pagbaha dahil sa malakas na buhos ng ulan nitong mga nakaraang araw.

Ayon sa panayam ng UNTV News kay Bacoor City Mayor Strike Revilla, aabot ng 70,000 hanggang 100,000 pamilya na ang naapektuhan ng nasabing malawakang pagbaha sa lungsod.

Aabot naman sa mahigit 500 pamilya ang nasa mga evacuation center hanggang sa kasalukuyan.

Hindi pa rin ibinababa ng lokal na pamahalaan at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang state of calamity sa lungsod.

Suspendido pa rin ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan ng Bacoor na sanay matulungan sila ng national government sa pagsasaayos ng mga daan at mga bahay na nasalanta ng  pagbaha. (Ito ang Balita ni Guiller Dumaran/Ruth Navales, UNTV News)