Published On: Fri, Sep 21st, 2012

2013 Proposed Budget, Pasado na sa Second Reading ng Kamara

FILE PHOTO: The House of Representative Plenary Hall (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines — Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang mahigit sa dalawang trilyong pisong budget ng pamahalaan para sa susunod na taon.

Sa ilalim ng panukalang pondo, ang Department of Education (DepED) ang may pinakamalaking pondo na nagkakahala ng P292.7 billion kung saan malaking bahagi nito ay ilalaan para punan ang kakulangan sa mga classroom, guro, upuan at textbooks.

Ngayong araw naman ang simula ng session break ng kamara upang bigyang panahon sa paghahain ng certificate of candidacy ang mga re-electionist.

Sa Oktubre 8, araw ng Lunes muling magbubukas ang sesyon sa kamara upang ipagpatuloy ang budget deliberation para sa mga amendment na nais gawin ng ilang kongresista.

Target naman ng kamara na tuluyang maipasa sa 3rd and final reading ang panukalang pondo sa sa darating na Oktubre 15.

Oras na maipasa sa kamara ang proposed budget ay agad na itong dadalhin sa Senado.

“Now, ano ang mangyayari pagdating sa senado? nagkakaroon na rin sila ng mga hearings pero yun ay official din pero walang bisa yun hanggang sa matanggap nila yung aming na-approve dito on 3rd reading,” pahayag ni House Speaker Sonny Belmonte.

Ayon naman kay House Committee on Appropriations Chairman Joseph Emilio Abaya, possible pang magkaroon ng amendments sa pondo ng hudikatura.

Ito ay upang maipatupad ng bagong Chief Justice ang mga reporma na nais niyang gawin.

“She’s a lot of programs in mind much needed judicial reforms and a lot of time to implement all of these.”

Samantala, hindi na makakasama pa si Abaya sa budget deliberation ng Bicameral Conference Committee dahil lilipat na ito sa DOTC, papalit sa kanya si House Committee on Appropriations Senior Vice Chairman Jocelyn Limkaichong. (Rico Rivadenera/Ruth Navales, UNTV News)