Published On: Mon, Feb 4th, 2013

2 Pinoy Cameramen na Binihag ng Abu Sayyaf sa Sulu, Pinalaya na

Ang mga bihag na cameraman na pinakawalan Abu Sayyaf na sina Buboy Letrero at Romelito Vela na kasama ng Jordanian Journalist na si Baker Atyani. (UNTV News)

Ang mga bihag na cameraman na pinakawalan Abu Sayyaf na sina Buboy Letrero at Romelito Vela na kasama ng Jordanian Journalist na si Baker Atyani. (UNTV News)

ZAMBOANGA CITY, Philippines – Pinalaya na nitong Linggo ng umaga ang dalawang Pilipinong cameraman na umano’y walong buwang binihag ng grupong Abu Sayyaf.

Bandang alas-7 kagabi nang dumaong sa Ens Majini Pier ng Romulo Espaldon Naval Station ang isang multi-purpose attack craft boat sakay ang mga cameraman na sina Romelito Vela at Buboy Letrero na parehong mga taga-Bicol, Camarines Sur.

Magugunitang kasama noon ang dalawang cameraman ng Jordanian journalist na si Baker Atyani na unang napaulat na binihag noong Hunyo 11, 2012 sa lalawigan ng Sulu.

Hindi pa malinaw sa ngayon kung bakit pinalaya ang mga ito at kung may nagbayad ng ransom sa bandido.

Agad namang idiniretso ang mga biktima sa Camp Navarro General Hospital (CNGH) upang matingnan ang kalagayan ng mga ito.

Ayon kay Lt. Col. Roberto Calupitan ng CNGH, walang tinamong major injury ang mga biktima maliban sa iniindang pananakit ng likod ni Romelito Vela.

“Of course both of them are suffering from moderate dehydration, tapos pagod na rin sa biyahe. Vela is almost 39 to 40 years old so he’s complaining with a low back pain, secondary sa biyahe yun pero he’s been experiencing weakness of low extremities for the past three months.

Ayon kay Vela at Letrero, limang araw lamang nilang nakasama ang Jordanian na si Atyani sa kuta ng Abu Sayyaf at pagkatapos ay hindi na nila ito nakita.

Hanggang ngayon ay wala pa ring ulat tungkol kay Atyani at kung kailan ito posibleng palayain ng bandidong grupo.

“According to them five days after na ma abduct sila, they did not see Atyani anymore,” pahayag ni Task Force Sulu Commander Col. Orlando De Leon.

Ayon kay Calupitan, ngayong araw ay posibleng ibyahe na papuntang Maynila ang dalawa upang lalo pang masuri ang kanilang kalagayan bago ito tuluyang iuwi sa kanilang pamilya sa Bicol.

“Yes there’s no immediate authentication for them not to travel by air. Yun ang suggestion namin, we will be writing that down in our narrative summary and if there are doctors to see him there in Manila.” (Denry Lopez & Ruth Navales, UNTV News)

Leave a comment

XHTML: You can use these html tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>