Published On: Tue, Aug 14th, 2012

2 Magkahiwalay na Aksidente sa Quezon City, Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team

Ang pagresponde ng UNTV News and Rescue sa Quezon City sa isang ginang na nabangga ng isang bus. (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines – Dalawang magkahiwalay na aksidente sa Quirino Highway ang magkasunod na nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team kagabi.

Namimilipit sa sakit nang isakay ng rescue team sa ambulansya si Lilibeth Erante matapos mabundol ng isang pampasaherong bus sa Quirino Highway sa Barangay Gulod, Novaliches sa Lungsod Quezon.

Mga gasgas sa katawan at bali sa kanang hita ang tinamo ng biktima dahil sa aksidente.

Dahil dito, agad isinugod sa Orthopedic Center si Erante dahil sa pinsala sa kanyang hita.

Sumailalim naman sa imbestigasyon ang driver ng Admiral Bus na si Jordan Jabinal dahil sa aksidente.

Samantala, ilang oras lang ang nakalipas isa na namang aksidente sa daan ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team.

Pasado hating-gabi rin kanina nang magkabanggaan ang isang kotse at motorsiklo sa kahabaan pa rin ng Quirino Highway sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.

Basag ang windshield ng kotse matapos sumalpok dito ang rider ng motorsiklo na si Wilfredo Macaso.

Dahil walang helmet, ilang segundo ring nawalan ng malay si Macaso.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng rescue team si Macaso na nagtamo ng malaking bukol sa ulo at gasgas sa ibat-ibang parte ng katawan.

Inihatid ng grupo sa East Avenue Medical Center ang pasyente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Kapwa naman umaming nakainom ang dalawang driver nang mangyari ang aksidente. (Ito ang Balita ni Pong Mercado/Ruth Navales, UNTV News)