Published On: Sat, May 26th, 2012

Computer laboratory, ipinagkaloob ng Ang Dating Daan, UNTV at Rotary Club of Kamuning sa Commonwealth Elementary School

Ang ilan sa mga computer set sa computer lab na ipinagkaloob ng grupong Ang Dating Daan, UNTV at Rotary Club of Kamuning sa Commonwealth Elementary School bilang pagsuporta sa programa ng gobyerno na Adopt-A-School ng DepEd. ( PHOTOVILLE International / Francis Debatali )

QUEZON CITY, Philippines — Malapit na ang pasukan. Kaya naman inihahanda na ng mga paaralan sa bansa ang kanilang mga pasilidad para sa pagdagsa ng mga estudyante sa unang araw ng klase.

Bilang pagsuporta sa Adopt-A-School Program ng Department of Education, isang regalo ang ipinagkaloob ng grupong Ang Dating Daan sa pangunguna ni Bro. Eli Soriano at ng UNTV – Your Public Service Channel sa pangunguna ni Kuya Daniel Razon, katuwang ang Rotary Club of Kamuning sa Commonwealth Elementary School na isa sa pinakamalaking elementary school sa buong Asya na may humigit kumulang 10,000 na mag-aaral.

Isang bagong computer laboratory kasama ang labing limang computer set ang ipinagkaloob sa mga mag-aaral upang lalo pang mahasa ang kanilang mga kaalaman lalo na sa Information and Communication Technology.

Magandang balita rin para sa mga estudyante dahil maaari na nila itong magamit ngayong pasukan.

Ayon kay school principal Rodolfo Modelo lalong gaganahang mag-aral ang kanilang mga estudyante dahil may mga bagong computer na silang magagamit.

“Unang una nagpapasalamat ako kay Bro. Eli Soriano sa Ang Dating Daan gayun din po sa ating Bro. Razon, sa Rotary Club of Kamuning sa pamamagitan nila ang Commonwealth Elementary School ay nabigyan ng gantong biyaya galing sa Ang Dating Daan”, ani Mr. Rodolfo Modelo, School Principal IV ng Commonwealth Elementary School.

“Malaking pasasalamat po ng Commonwealth Elementary School dahil ang mga bata ay matutulungan nitong mga computer na ibinigay ninyo sa amin kaya po nagpapasalamat po kame kay Bro. Eli at kay Mr. Daniel Razon,” ani Dr. Corazon Rubio, Division Superintendent, DepEd.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga estudyante dahil isa sila sa napili ng Ang Dating Daan at UNTV para pagkalooban ng computer laboratory.

“Opo, marami po itong matutulong kasi pag may assignment po kame pwede po kameng dito pumunta,” ani Yuliza Aquino, estudyante ng Commonwealth Elementary School.

“Marami pong salamat sa kanila kasi marami po kameng magagawang project po naming saka po salamat po kay Bro. Eli at Kuya Daniel Razon,” dagdag ni Kenneth Artero, estudyante ng Commonwealth Elementary School.

“Mas sisipagan po kameng mag-aral kasi meron na po kameng computer laboratory,” ani Mary Joy Llaneta, estudyante ng Commonwealth Elementary School.

Nangako naman ang mga mag-aaral ang Commonwealth Elementary School na mamahalin at iingatan nila ang computer laboratory na ibinigay sa kanila upang magamit pa ng mga susunod na henerasyon. ( Ito Ang Balita ni Grace Casin, UNTV News )