
CEBU, Philippines — Ilang oras matapos na mangyari ang 6.9 magnitude na lindol na naramdaman sa malaking bahagi ng Negros Oriental at sa Cebu nitong Lunes, 11:49 ng umaga , nagdulot naman ng panic sa mga tao ang tsunami alert dahilan upang magtakbuhan ang mga tao papunta sa mas matataas na lugar.
Pasado alas-kwatro kinahapunan ng ang ilang mga opisyal ng Philippine National Police Region VII Office na nag-aanunsyo at pinapakalma ang mga nagtatakbuhang mga tao na hindi totoo na matatamaan ng tsunami ang probinsya ng Cebu.
Ayon sa mga pulis, mali ang mga report na natanggap ng publiko.
“May isang naka-motor na nagsabi na nasa plaza na ang tubig, kaya nagtakbuhan ang mga tao tapos may mga text din na nagsasabi kaya nagka-ganun,” paliwanag ni PSupt. Tito Satera, Deputy Director, Public Communication Relations, PRO7.
Kasabay ng takbuhan ng mga tao, nagsara na rin ang iba’t-ibang mga commercial establishement sa Colon,at ang ibang mga malalaking mall.
Sinuspinde na rin ang ilang mga pasok sa mga paaralan sa ilang bahagi ng Cebu, Mandaue, Lapu-Lapu City at iba pang lugar sa Cebu.
Binigyang diin naman ng PHIVOLCS na hindi nafo-forecast ang pagdating ng lindol kaya payo ng mga ito sa publiko na dapat maghanda at alamin ang mga paraan ng tamang paglikas tuwing nangyayari ang paglindol.
Kaya payo rin ng mga ito na laging mag-monitor sa mga balita at sa kanilang ahensya at huwag basta basta maniwala sa mga hindi naman reliable source para hindi magdulot ng panic sa ibang tao. (Ito Ang Balita ni Naomi Sorianosos, UNTV News)