
PASAY CITY, Philippines — Alas-kwatro pa lamang ng umaga ay handang handa na ang mga kababayan nating makikilahok sa Kahit Isang Araw Lang Unity Run.
Sinimulan ang programa sa pag-eensayo upang maihanda ang kanilang mga katawan sa mahabang pagtakbo kasama ang ating kasangbahay na sina Richard Reynoso, Dinky Doo, Pateros Councilor Daisy Reyes, Rodel Flordeliz, Willam Martinez at Jeffrey Hidalgo.
Pasado alas-singko ng umaga nang sinimulan na ang takbuhan para sa 10 kilometer race.
Sinundan naman ito ng 5 kilometer run at ng 3 kilometer race.
Ilang minuto lamang ang lumipas ay may mga nauna nang dumating sa finish line.
Nakilahok sa Isang Araw Lang Unity Run ang Department of Education sa pangunguna ni DepEd Sec. Armin Luistro, Philippine National Police na pinangungunahan din naman ni PNP Chief Nicanor Bartolome, Philippine Navy, Armed Forces of the Philippines, Philippine Army, Philippine Coast Guard, mga mayor ng iba’t - ibang lungsod at ilang mga sangay ng pamahalaan.
Pagdating ng alas-7 ng umaga ay nagtipun-tipon na ang libu-libong mga participant para sa highlights ng event na sabayang pagtakbo.
Pinangunahan ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon ang ceremonial run kasama sina DepEd Sec. Armin Luistro at PNP Chief Nicanor Bartolome.
Maging sa iba’t-ibang panig ng mundo ay nagsagawa rin at sumabay sa naturang proyekto.
Kabilang dito ang Denmark, Italy, Germany at United Kingdom sa Europa.
Sa Estados Unidos ay nakiisa din ang mga kababayan natin sa New York City, Los Angeles, California, Maryland at maging sa Vancouver, Canada.
Sa dako naman ng South America ay nakiisa din sa pagtakbo ang Sau Paulo, Curitiba at Rio de Janeiro sa Brazil.
“Pinag-usapan na namin ito dati kung paano makakatulong doon sa shortage ng DepEd sa ibang aspeto. Kaya naisip namin na kung paano pwede magawa at maging symbolic na rin at magkaroon ng unity sa pagsuporta sa charity mas maganda kung magtutulung-tulong tayo in all aspect na pwede natin magawa sa kapwa natin na may unity tayo,” ani Mr. Public Service Kuya Daniel Razon.
Nag-uwi ng P35,000 ang tinanghal na 1st place sa 10-kilometer run, P25k naman sa second place at P15k sa 3rd place.
Sa 5 kilometer race P25K naman ang napanalunan ng 1st place habang P15K naman sa 3-kilometer race.
Pagtapos ng makasaysayang pagtakbo ay isa-isa namang namigay ng mga papremyo sa mga participants.
Namigay ng 5 Nokia C3 phones, 3 units ng laptop, e-bike o electronic bike motorcycle at isang bagong Hyundai Accent. (Ito Ang Balita ni Grace Casin, UNTV News)

