
QUEZON CITY, Philippines — Naging maramdamin ang pagkaka-awit ng actress singer na si Nikki Valdez sa A Song of Praise o ASOP Music Festival entry na komposisyon ng isang nanay noong nakaraang linggo.
Naisa-puso ng naturang singer ang mga letra ng awit na “Pupurihin Ka Hanggang sa Magpakailanman” na ayon sa kompositor nitong si Analyn Altejos ay naisulat nya matapos ang matagumpay na operasyon sa puso ng kanyang anak.
“Na-realized ko lang kaya pala the whole time na pinapag-aralan ko yung kanta, naiiyak ako. Kasi, anak ko yung naiisip ko without knowing na yung anak niya pala yung inspiration niya. So, ang galing lang paano pinagtatagpo ng Dios yung dalawang tao na ganun, di ba?” ani Nikki Valdez na ASOP Interpreter.
Anang winning composer naman na si Analyn Altejeros, “Ang saya saya ko po. Masaya! At least po, nai-express po yung talagang pagpupuri po, yung pasasalamat sa buhay.”
Labis ding ikinatuwa ni Nikki ang pagkaka-imbita sa kanya upang maging interpreter.
Ayon kay Nikki, first love niya talaga ang pagkanta, “Actually, it’s a very very good show for people na gustong magkaroon ng room to thank the Lord and I’m very very glad na naging part ako ng palabas na ‘to.”
Nadama rin ng mga huradong sina Vehnee Saturno, Mon Del Rosario at ang batikang manunulat na si Bibeth Orteza na siyang panauhing hurado ang husay ng pagkakagawa ng awit kaya’t tinanghal itong song of the week.
Ang mga naging kalahok kagabi ay sina Ariel Villegas na sinulat ang “You’re my Messiah” sa interpretasyon ni Pinoy Dream Academy scholar na si Miguel Mendoza, Romel Aguilar na nilikha ang awit na “For Yours is the Glory” sa rendisyon naman ng Philippine Idol runner up na si Jan Nieto at si Effraim Regine sa kanyang obra na “Malaya Na” na inawit ni Cello Nuñez. (Ito Ang Balita ni Adjes Carreon, UNTV News)