
QUEZON CITY, Philippines — Nagmistulang opera house ang studio ng A Song of Praise o ASOP Music Festival matapos ang rendisyon ng bagong buong tenor group sa bansa na The Filipino Tenors sa awiting ‘A Symphony of Praise’.
Isang kakaibang estilo ang ibinigay ng naturang grupo sa papuring awit na nilikha ni Anton Estrella Jr. dahilan upang maiuwi ang song of the week nitong Linggo.
Pinahanga ng limang tenor ang mga huradong sina Vehnee Saturno, Noel Cabangon at ang panauhing hurado na si Miss Lirio Vital sa husay ng kanilang pagkakaawit nito.
Dinaig ng naturang awit ang likha ng mga kalahok na sina Sherwin Bob Diaz sa awiting “Gabay” na binigyang buhay ng dating bokalista ng grupong Sugarfree na ngayon ay soloista na, na si Ebe Dancel.
Ang papuring awit na may titulong “Sa Ngalan Mo Ama” ni Rodolfo Napoles na ibinirit naman ng isa sa Cercado Sisters na si Mylene.
At ang “Salamat sa Pag-ibig Mo” na isinulat ni Normando Ravago sa rendisyon ng bokalista ng grupong Paraluman na si Madeline Ramboyong. ( Ito Ang Balita ni Adjes Carreon, UNTV News)