
LAGUNA, Philippines — Alas-9 pa lang ng gabi, bisperas ng bagong taon, handang-handa na ang Clinic ni Kuya Daniel para sa ating mga kababayan sa San Pedro, Laguna upang magbigay ng assistance sa sinomang maaaring maapektuhan ng paputok.
Naka-ready na rin ang News and Rescue Team para magbigay ng pangunang lunas sa sinomang mangangailangan ng tulong sa daan.
Kaya naman ng magawi na kami sa San Pedro General Hospital, bumilib ang Punong Lungsod ng San Pedro na si Mayor Alex Cataquiz nang madatnan niya kaming nangangalap ng balita at tumutulong sa mga nabiktima ng paputok at ligaw na bala.
“Aba, isang napakagandang programa yun, ah, kaibigang Daniel Razon sapagka’t ang ginagawa mo, bago sa bansa natin. ‘Tulong Muna, Bago Balita’. Siguro, dapat kami na mga mayor sa buong Pilipinas, ganun din eh na dapat na panuntunan na ‘Tulong Muna, Bago Balita’ lalo na sa ating panahon,” pahayag ni San Pedro, Laguna Mayor Alex Cataquiz.
Samantala, ikinatuwa rin ng Punong Lungsod na naging mapayapa sa kabuuan ang pagsalubong sa bagong taon ng mga Laguneño dahil kakaunti lamang ang nagpaputok at naputukan.
Sa katunayan, marami sa ating mga kababayan sa halip na magpaputok ay idinaan na lamang sa kantahan at street dancing ang pagsalubong sa bagong taon.
Ani Mayor Cataquiz, “Swerte nga tayo ngyon, kakaunti ang casualties ngayon. Muli, bumabati kami sa ating kaibigan Daniel Razon sa napakagandang programa niya dito sa UNTV at mabuhay ka.” (Ito Ang Balita ni Sherwin Culubong, UNTV News)