
QUEZON CITY, Philippines — Matapos maisulat ang naging panayam kay Mr. Public Service Kuya Daniel Razon ng mismong entertainment editor ng Yahoo! Philippines na si Maridol Ranoa-Bismark, naging pinakapopular agad ito sa naturang social network site.
Ang naturang panayam na may titulong “Daniel Razon wants to bring back glory of radio” ay tungkol sa pagnanais ni Kuya Daniel na maibalik ang tunay na esensya ng pagkakaroon ng radio at ang mapakinggan ito.
“Salamat. Nagpapasalamat tayo na ganon ang naging pagtanggap sa mga bagay na nabanggit natin na may kinalaman sa balak natin para sa radio station - itong UNTV Radyo, ang La Verdad 1350 KHz. Well, nagpapasalamat tayo sa pagkakataon pati kay Maridol na nag-interview sa atin regarding doon sa isyu na ‘yon.
“Salamat din po doon sa mga nag-comment. And I supposed na ang comments naman, eh, ay hindi naman lahat, eh, positibo. But, certainly, ang atin po lamang dito ay masabi natin ‘yung thoughts natin with regards to this. Sanay naman tayo din na minsan sa una ay hindi pinaniniwalaan ang sinasabi natin until such time na we were able to prove it. Sana, with GOD’s help, magawa natin kung ano ‘yung balak natin for Radyo La Verdad,” ani Daniel Razon.
Nilinaw naman ni Kuya Daniel ang tungkol sa isyung “no to teleradyo” na naging konsepto niya rin dati.
“Hindi naman natin kinokontra ‘yung idea ng paglalagay ng radyo sa telebisyon. In the first place, eh, ako ang isa sa mga unang sumalang sa ganung klase nung nasa kabilang himpilan pa tayo. Ang sa akin lang ay ‘yung maibalik natin yung naiwawala na ngayon sa radyo. So, anybody can do whatever it is na nasa idea nila at konsepto nila. Ang sa akin, mayroon akong nakita at nararamdaman na nawala ang glory ng radyo dahil doon sa paglaganap nga noong nakikita ‘yung mga announcers din at the same time dahil nasa loob ng booth ng radyo, napapanood na rin. So, sa akin lang eh, may mga bagay ako na gustong habulin pa rin siguro para doon sa sariling mundo rin ng radyo na dapat, eh, ginagalawan niya at dapat eh naa-achieve ng mga nakikinig. So, that’s one of those things na gusto kong magawa sana with the UNTV Radio.”
Ibinalita rin ng seasoned broadcaster ang mga dapat abangan sa bagong AM radio station ng UNTV, ang UNTV Radio La Verdad 1350, Tapat at Totoo sa Serbisyo Publiko.
“Well, isa sa mga aabangan nila ay ‘yung makatotohanan at tapat na pagseserbisyo publiko at ‘yung mga mapapakinggan nilang mga bagay na mai-o-offer natin dito sa UNTV Radio na maaaring hindi mai-offer o kung hindi man hindi mai-offer ay hindi ini-o-offer ng ibang mga radio stations. So, sa atin naman, eh, hindi naman para tayo ay makipagpaligsahan, makipagpagalingan. Ang sa atin ay prompted tayo nung pagnanasa natin na magawa natin ang ating pagseserbisyo publiko at yung layunin ng ating pagsasahimpapawid. Hindi naman para lamang tayo ay makipagpasikatan or whatever ay hindi naman ‘yun ang layunin natin at ang ultimate goal natin sa buhay,” ani Mr. Public Service Kuya Daniel Razon. (Ito Ang Balita ni Adjes Carreon, UNTV News)