
QUEZON CITY, Philippines — Gabi-gabi maraming aksidente ang nasasagupa ng UNTV News and Rescue na nirerespondehan at binibigyan ng pangunang lunas.
Kaya naman sa nalalapit na pagpasok ng 2012 ay mas palalakasin ang pwersa ng UNTV News and Rescue upang lalo pang maabot ang ating mga kababayang nangangailangan ng tulong.
Sa taong 2012, maaasahan ng publiko ang mas pinalakas at mas pinabilis na pag-responde sa mga aksidente dahil makakasama na ng UNTV News and Rescue ang Department of Public Order and Safety o DPOS ng Quezon City, San Antonio Rescue ng Pasig City, Philippine Red Cross, Makati Rescue, Ugong Rescue, at iba pa.
Ilang mga equipment rin na ginagamit sa rescue ang ipinakita ng mga grupo.
"Nakakatulong po talaga sila sa amin kasi sa laki po ng
Quezon City, ang ambulance namin iilan lang tapos manpower namin ay ilan lang din. Kaya ‘pag may UNTV Rescue, di na kame mangangapa na puntahan pa ‘yung iba na kailangan namin respondehan, at mayroon na kameng kaagapay sa pagresponde sa buong Quezon City," ani Rizalino Mesias, DPOS.
"Yung pag-merge namin na ito, may easy communications po tayo, mabilis po ang pagresponde po natin, mapapaunlad din natin kaalaman natin sa pag-rerescue,” Coun. Melvin Villaluz ng San Antonio Rescue sa Pasig.
Sa pagsasanib pwersang ito ay maaasahan ng publiko na nakahanda ang rescue team na sumaklolo sa mga kababayan nating malalagay sa panganib sa kanilang pagsalubong sa bagong taon.
Matatandaan noong nakaraang taon unang sumabak ang UNTV News and Rescue sa pagsagip sa buhay ng ating mga kababayan.
Anim na UNTV ambulance ang nagro-ronda sa buong Metro Manila gabi-gabi upang tugunan ang anumang tawag ng emergency.
Ang ‘Tulong Muna, Bago Balita’ ay proyekto na pinasimulan ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon, sa layuning unahin muna ang pagtulong sa kapwa bago ang pagbabalita. (Ito Ang Balita ni Grace Casin, UNTV News)