
QUEZON CITY, Philippines — Naging mahirap para sa tatlong hurado ng A Song of Praise o ASOP Music Festival ang pagpili ng magiging song of the month.
Higit na nasurpresa sa ganda ng mga awiting nakasali sa monthly finals ay ang theatre actress na si Pinky Amador na siyang panauhing hurado ng programa.
“Alam mo, hindi ko inaakala na magiging ganito kahirap pala. Kasi magagaling lahat ang mga nagsulat, tapos magagaling din ang lahat ng mga nag-perform. Tapos ‘yung iba kilala mo pa; tapos ‘yung 1st time ko mag-judge, iba- ibang genre. Noong second time nung monthly na, kung sino na lang manalo kasi lahat magagaling,” ani Ms. Pinky.
Hanga naman ang aktres sa naisip na konsepto ni Kuya Daniel Razon na isang praise songwriting competition sa telebisyon na lumilinang sa talento ng mga Pilipino sa musika.
“There’s no end to creativity when you get people to collaborate with different concepts. Tignan mo naman ang nangyari. Diyan mo makikita na kapag humihingi ka Sa Taas, sa Panginoon, pagka nagbibigay ka ng papuri sa Kanya, hindi talaga mawawala ng pag-asa, hindi talaga mawawalan ng posibilidad. At saka nagulat ako, ganun kalaki ‘yung premyo!” bulalas ng beteranang theatre artist.
Samantala, isang pagkakaibigan naman ang nabuo sa pagitan ng ASOP interpreter na si Jayson Fernandez at ASOP contestant na si Gerwin Villa sa kanilang paghahanda sa monthly finals ng ASOP.
Matapos manalo bilang song of the month ang awiting “Purihin Ka ng Aking Luha”, agad ipinagmalaki ng dalawa ang kanilang pagkakaibigan.
“Para sa akin higit sa premyo, higit sa lahat ng bagay — s’yempre importante yung premyo (laughs) — pinakamahalaga ‘yung nabuo namin ni Gerwin na friendship. Yun ‘yon, eh, na sana magtuluy-tuloy at maging halimbawa rin sa lahat ng nag-iinterpret dun sa mga songwriters nila. Magkaroon sila ng magandang relationship,” anang dating Rivermaya vocalist na si Jayson Fernandez.
“Yun nga ‘yung kagandahan sa contest na ‘to. Hindi lang ‘yung premyo pinaglalabanan mo. Saka ‘yung sumusulat ka ng kanta A Song of Praise; then, ‘yung relation mo sa mga interpreter, saka sa mga judges, tsaka may istorya ang ASOP, eh,” ani Gerwin Villa.
Nahigitan ng komposisyon ni Gerwin ang mga likhang awit nina Melvin Joseph Morallos na ‘Ang Pag-ibig sa Puso Ko’ sa interpretasyon ni Myrus, ang awiting “Maglilingkod Ako” ni Jaymar Pascual sa rendisyon ni Rockstar Joseph Aldana, at ang awiting ‘Mighty’ ni Nica del Rosario na inawit naman ni Maegan Aguilar. (Ito Ang Balita ni Adjes Carreon, UNTV News)