
LANAO DEL NORTE, Philippines — Higit sa 300 daang mga evacuee ang nabenipisyohan sa serbisyo publikong medical at relief mission sa Doña Juana Elementary School sa Lungsod ng Iligan na hatid ng UNTV sa pangunguna ni Mr.Public Service Kuya Daniel Razon at sa pakikipagtulungan ng grupong Ang Dating Daan ni Bro. Eli Soriano.
Samantala, unti-unti na ring bumabangon ang mga residente ng Iligan City mula sa kalamidad na kanilang naranasan dahil sa bagyong Sendong.
Bagama’t parehong naapektuhan ng flash flood ang Cagayan De Oro City at Iligan City, mas nakita sa Iligan City ang epekto ng flash flood dahil sa mismong national highway ay makikita ang makapal na putik na pumasok sa mga establismiyento at mga sasakyang nasira bunga ng baha.
Patuloy naman ang pagdating ng tulong sa Iligan City mula sa iba’t-ibang mga karatig na lalawigan.
Nitong Miyerkules ay pormal nang na-iturnover ni Davao City Mayor Sara Duterte ang 3 dumptruck na puno ng mga grocery items at foodpacks para sa mga evacuee.
Kasabay ding dumating ni Mayor Duterte ang ama nitong si Vice Mayor Rodrigo Duterte na nagpaabot ng pakikiramay kay Mayor Lawrence Cruz.
“I said we share your pain, and we are here to show our solidarity with our neighbors in Mindanao — Iligan from Davao,” ani Duterte.
Nagbigay din ang mag-ama ng isang milyong pisong cash sa lokal na pamahalaan ng Iligan para sa pagbangon ng lungsod.
Nagpasalamat naman si Mayor Cruz sa lahat ng mga tumulong, at patuloy itong nanawagan ng karagdagang ayuda at pakikiisa.
“(Translated in Tagalog) Nakakalungkot minsan dahil sa nangyaring kalamidad na ito ay may mga isyu pa rin ng pulitika. Huwag muna sana ngayon; magtulungan muna tayong mag-asikaso sa mga nangangailangan ng tulong at huwag muna ‘yung finger-pointing,” ani Iligan City Mayor Lawrence Cruz.
Nangako naman si Mayor Cruz na makakarating sa mga evacuee ang mga tulong.
Dagdag pa ng alkalde, mas pinagtutuunan na nila ng pansin ang retrieval operations sa mga nawawala pa dahil maliit na ang posibilidad na may makukuha pang buhay mula sa mga nakalistang nawawala. ( Ito Ang Balita ni Louell Requilman, UNTV News)
