
CAGAYAN DE ORO, Philippines — Alas-dos ng hapon nitong Martes nang tumulak ang UNTV at ang grupong Ang Dating Daan mula sa downtown area ng Cagayan de Oro City patungong Brgy. Balulang na 45 minuto ang layo mula sa siyudad.
Mayroong 200 evacuees na pansamantalang nakikituloy sa evacuation center na ito.
Namahagi ang grupo ng relief packs na naglalaman ng mga bigas, sardinas, noodles, at mga damit.
Nagsagawa rin dito ng feeding program para sa mga residente.
Samantala, bandang alas diyes ng umaga nang dumating si Pangulong Benigno Aquino sa Cagayan de Oro International Airport at agad na dumiretso sa Tactical Operations Group Region 10 para sa ilang briefing kasama ang ilan sa mga miyembro ng kaniyang gabinete.
Sa nasabing briefing ay idineklara ng Pangulo ang state of national calamity dahil sa laki ng naging pinsala ng bagyong Sendong hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa ilang bahagi ng Visayas.
“We will be declaring a state of national calamity. We have other funds on top including the world bank facility for disaster risk which will provide ‘yung loans if we still need it. We will be assisting not only Cagayan and Iligan but also Negros Oriental, Ilocos Norte, [and] Iloilo.”
Inatasan din ng Pangulo ang kaniyang gabinete na magsagawa ng isang fact-finding investigation upang alamin kung sino ang maaaring may pagkukulang sa insidente kung kaya’t umabot sa higit 900 na ang namatay.
Pagkatapos ng briefing ay agad na nagtungo ang Pangulo sa Iligan City upang mamahagi ng relief goods doon at kumustahin ang kalagayan ng mga nasalanta ng bagyo.
Matapos ang pagbisita sa Iligan City ay bumalik din ang Pangulo sa lungsod ng Cagayan de Oro at nagtungo sa City Central Elementary School na may 2,000 evacuees.
Pagkatapos nito ay muling umalis ang Pangulo na nakatakda namang magtungo sa Visayas na dinaanan din ng bagyong Sendong. (Ito Ang Balita ni Louell Requilman, UNTV News)




