
QUEZON CITY, Philippines — Nagkaroon ng espesyal na pagtatanghal nitong Linggo ng gabi ang A Song Of Praise o ASOP Music Festival dahil apat na awitin ang muling isinalang sa mga hurado.
Tinawag itong “Producer’s Pick” dahil pinili ito ng mga bumubuo ng produksyon ng naturang programa base na rin sa taas ng gradong nakuha mula sa mga hurado mula pa sa unang pagtatanghal ng programa.
Ang mga awiting ito ay nanalo sa weekly finals episodes ngunit hindi naman pinalad na makalusot sa monthly finals.
Kaya naman, muling nagtagisan ang mga awiting “Purihin Ka Ama” ni Michael Gumamela na inawit ng isa sa Cercado Sisters na si Almira, ang “Purihin Ka Ng Aking Luha” na sinulat ni Gerwin Villa sa interpretasyon naman ng dating bokalista ng Rivermaya na si Jayson Fernandez, ang “Follow the Road” ng magkapatid na Avelino at Melshor Morala sa rendisyon naman ng isa sa bokalista ng Southborder na si Vince Alaras at ang “Oh, Lord Bring Me Home” na komposisyon ng abogadong si Paul Hildawa na inawit naman ng Viva artist na si Carl Trazo.
Aminado sa naranasang hirap ng pagpili ng magiging song of the week ang mga huradong sina Vehnee Saturno, Mon Del Rosario, at ang theatre actress na siyang panauhing hurado na si Pinky Amador.
Napili nga ng ASOP judges ang awiting “Purihin Ka Ng Aking Luha” ng baguhang komposer na si Gerwin Villa bilang “Song of the Week”.
Ayon kay Gerwin, hindi niya na ine-expect na muling bibigyan ng pagkakataon ang naturang komposisyon, at katunayan nito’y may hinahanda na siyang bagong komposisyong isasali pa.
“Nagpeprepare na rin ako ng panibagong song para isali ulit dito sa ASOP. Kaya noong binigay yung chance na ito, medyo naudlot ‘yung pagpasa ko,” anang winning composer ng ASOP Song of the Week.
Naging vocal naman ang interpreter nitong si Jayson Fernandez na mas kamado at mas na-isapuso niya na ang naturang awit dahil na din sa nabuong pagkakaibigan nila ng composer nito habang naghahanda sila sa kompetisyon.
“Sa pangalawa ngang beses, tapos nakapag-usap na nga kami, nagkatext-text na nga kami unlimited, nakapagbatuhan kami ng ideas at ng mga dapat pang ayusin. Malaking tulong din yung binigay nung mga judges na mga pagbabago doon sa units,” ani Fernandez. (Ito Ang Balita ni Adjes Carreon, UNTV News)
