
MANILA, Philippines — Pirmado na ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Huwebes ang pambansang budget para sa susunod na taon.
Ang 1.8-trillion peso budget ang pinakamalaking national budget sa kasaysayan ng bansa, ngunit ayon sa Pangulo ito rin ang pinakamaagang pambansang budget na napirmahan.
“Kanina lang ay nasaksihan ninyo ang ating paglagda sa ating Budget: ang pinakamaagang pagsasabatas sa taunang Budget mula nang mabawi natin ang demokrasya noong 1986. Tunay pong makasaysayan ang araw na ito,” ani Pangulong Aquino.
Kabilang sa binanggit ng Pangulo sa kaniyang talumpati ang pagsiguro na ang pambansang budget ay mapapakinabangan ng taumbayan.
Kasama sa may pinakamalaking budget na pinaglaanan ng administrasyon ang Conditional Cash Transfer (CCT) Program para sa mga kababayan nating mahihirap.
“Ang paggugol na matuwid ay diretso sa tao. Nakatuon po tayo sa isang simpleng paninindigan: na ang bawat pisong ginagasta ng pamahalaan ay napapakinabangan ng mamamayan—lalo na ng mahihirap—sa paraang tuwiran, agaran, at makabuluhan. Kaya naman, itinututok natin ang 2012 Budget sa mga prayoridad ng ating Social Contract with the Filipino People,” anang Punong Ehekutibo.
Ang isa pang pinaglaanan ng may pinakamalaking bahagi ng budget ang sektor ng edukasyon kung saan sinimulan na ang pagdaragdag ng panibagong guro at mga silid-aralan.
“Hinigitan na natin ang nakalaang budget para sa basic education: ang Department of Education ay magkakaroon ng 238.8 billion pesos sa susunod na taon—ang pinakamalaking budget sa hanay ng mga Kagawaran—at tutustusan nito ang pag-empleyo sa 13,000 bagong guro; pagpapatayo at pagpapaayos ng mahigit 43,000 silid-aralan; at iba pang kinakailangan para masiguro natin ang de-kalidad na edukasyon sa mahihirap nating kabataan. At gaya po ng taunang nangyayari mula nang umupo tayo sa puwesto, dumagdag din po ang pondo para sa ating mga State Colleges and Universities,” dagdag pa ni Aquino.
Sinigurado rin ng Pangulo na hindi napababayaan ang paglalaan ng pansin para sa ekonomiya, karagdagang trabaho para sa mga mamayan at pagpapaunlad sa mga sakahan.
“Makakapag-empleyo ng dagdag na mahigit 13,000 doktor, nurse, at komadrona sa kanayunan; makakapagpatayo ng mga rural health facilities, lalo na ang mga ligtas na paanakan; at iba pang kritikal na serbisyong pangkalusugan. Higit din po nating tinutustusan ang mga imprastrukturang susuporta sa paglago ng ating ekonomiya at paglikha ng trabaho. Tinututukan natin ang hangarin natin: na ang bigas na sa Pilipinas isasaing ay dito rin itatanim, aanihin, at bibilhin,”pahayag pa ng kasalukuyang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. (Ito Ang Balita ni Bernard Dadis)