
PARAÑAQUE CITY, Philippines — Bubuo ng Task Force Quatro ang Bureau of Jail Management and Penology para tugisin ang mga Chinese na nakatakas sa Parañaque City Jail at ang jail officer na nagpatakas sa mga ito.
Ayon kay Senior Inspector Reuben Olivo, officer in charge ng Parañaque City Jail, kasalukuyan nang isinasagawa ang manhunt operation para sa paghuli sa mga nakatakas.
"Ito po ay Task Force Quatro kasi nakita natin na apat ang kanilang hinahanap, at galing sila sa fourth floor kaya tinawag namin ito na Task Force Quarto. Ito ay pinangungunahan ni Superintendent Dikito upang tugisin, para magkaroon ng manhunt operation, upang hulihin nga itong mga nakatakas," pahayag ni S/Ins. Ruben Olivo.
Nakilala ang mga nakatakas na sina Chan Tong Lou, Long Zong, Cheung Wai Leung, at ang jail officer ng Parañaque City na si Richard Sillatoc.
Malaking dagok umano sa BJMP ang pangyayari dahil nakuha mismo ng kanilang CCTV camera si Richard Sillatoc sa aktong pagtulong upang makatakas ang mga preso.
"Tinatanggap namin na ito ay kasiraan sa aming himpilan, ang Bureau of Jail Management and Penology, at nagawa ito ng aming kasamahan. Kaya nga, nagpalabas ng direktiba ang aming hepe na talagang review-hin ang aming tauhan sa BJMP," dagdag pa ni Olivo.
Matatandaang pasado alas tres ng madaling araw noong Sabado nang isagawa ang pagtakas ng mga preso.
Kitang-kita sa CCTV na pinatay ni Sillatoc ang ilaw sa fourth floor kung saan nakakulong ang mga inmate na Chinese.
Pagkalabas sa kanila ay dinala ang mga ito sa rooftop at dumaan sa backdoor patungong first floor.
Iniwan sandali ni Sillatoc ang inmates, at pinuntahan ang dalawang nagbabantay sa main gate. Pinakain ito ng bulalo na hinihinalang may hinalong sangkap upang maging dahilan para mahilo at sumakit ang tiyan ng mga ito.
Sa pagkakataong ito ay nakakuha umano ng tyempo si Sillatoc para kunin ang susi sa gatekeeper na si Jail Officer Jesus Baguinon, at habang wala ang mga ito ay tinawag na ang mga inmate at tuluyang pinatakas ang mga ito.
Ayon pa kay Olivo, "Umaga ng December 10, mga alas tres ng umaga nangyari ‘yung takasan, at ito ay nangyari dahil ang isa naming tauhan na si JO1 Richard Sillatoc ay siya ang tumulong sa mga ito."
Samantala na-relieve na sa tungkulin ang nagbabantay sa nasabing oras, kabilang na ang Officer in Charge na si Eric Aragon na nasa bansang Japan.
"Na-relieve po lahat sila, ‘yung mga naka-duty sa mga oras na ‘yun. Lahat sila ay na-relieve kasama ‘yung officer in charge," pahayag ni S/Ins. Ruben Olivo.
Makukuha naman ang resulta ng laboratory test sa pagkain na kinain ng dalawang nagbabantay sa main gate ngayong darating na Miyerkules, at dito malalaman kung may hinalo nga si Sillatoc para sumakit ang tiyan at mahilo ang mga ito. (Ito Ang Balita ni Joshua Antonio, UNTV News)
