
BULACAN, Philippines — Sa buwan pa lang ng Oktubre ay umabot na sa mahigit dalawang-libong katao ang napaglingkuran ng ginagawang medical mission ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon sa bayan ng Calumpit at Hagonoy sa lalawigan ng Bulacan.
Nitong Martes, muli na namang nadagdagan ang mga kababayan nating natulungan ng nasabing gawain sa isa na namang medical mission na isinagawa sa Barangay Corazon, Calumpit, Bulacan, kung saan umabot sa dalawang-libong katao ang nakatanggap ng libreng serbisyong medikal.
Ito ay sa pangunguna ng grupong Ang Dating Daan sa pangunguna ni Bro. Eli Soriano at ng UNTV sa pangunguna naman ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon, katuwang ang Rotary Club of Kamuning at Kamanggagawa Foundation.
Ayon kay Konsehal Jonjon Mendoza ng Calumpit, nag-request sila ng medical mission sa UNTV upang matugunan ang pangangailangang medikal ng mga kababayan natin sa nasabing bayan.
“Napakahalaga ng pagkakaroon ng medical mission dito ngayon pagkatapos ng baha na ito… So, unang una, maraming iniwang sakit o mga basurang nandito pa ngayon na pinalilinis ng pamahalaang bayan. Malaking bagay itong dinala dito ng UNTV at ng Ang Dating Daan.
Iba’t-ibang libreng serbiyo publiko naman ang natanggap ng mga kababayan natin sa Calumpit, Bulacan, gaya ng general medicine, optical, dental, pediatrics, physical therapy, massage, at X-ray.
Ani Mrs. Liezel Ramos na pasyente sa physical therapy at X-ray, “Nagkaroon po sila ng physical therapy sa medical… So, tumaas ‘yung uric acid ko. Kailangan ko magpa-PT para naman po mawala ‘yung pain na naranasan ko sa baha dahil palusong-lusong, plus the fact na may primary cushion infection history ang anak ko. Malaking opportunity ito para mapa-X-ray ang anak ko.
Kwento naman ni Ginang Filomina Samson na naka-avail din ng libreng gamot, “Natrangkaso po ako. Tapos ‘yung sipon, ayaw matanggal, yung ubo, saka pananakit ng ulo. Eh, wala nga pong pambili, di nga po makapagpacheck-up, walang pera, walang pampa-doktor. Dito na lang kami nagpunta nung malaman namin. Lubos po akong nagpapasalamat at merong nagbigay sa amin ng ganitong biyaya. Katulad namin na walang pambili, nagkaroon po kami ng libreng gamot.”
Labis-labis naman ang pasasalamat at kagalakan ng ilang rotarian sa ginawa ng UNTV at ng grupong Ang Dating Daan.
Pahayag ni Rotary Club of Kamuning President Efren Capa, “Nagpapasalamat din kami sa, of course, sa UNTV, kay Kuya Daniel Razon, sa Kamanggagawa Foundation dito sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan sa mga nabiktima ng baha, particularly noong Bagyong Pedring.”
“Lagi naman pong katulong ng Rotary Club of Kamuning ang UNTV, Kamanggagawa Foundation, at Ang Dating Daan sa pamumuno ni Kuya Daniel, lalung lalo na kay Brother Eli Soriano. Alam po ninyo, napakalaking tulong po dito po sa kapwa Bulakenyo ko dito po sa lalawigan ng Bulacan,” ani Konsehal Efren Bartolome ng Rotary Club of SJDM.
Nagpaalala naman si Mr. Danny Navales ng Kamanggagawa Foundation sa mga kababayang apektado ng baha, “Ito pong paglaganap at pagpapataas na antas ng mga kaso ng dengue, sapagka’t alam naman po natin na kailan pa man ang isang kapaligiran ay hindi nabibigyan ng atensyon ng ating mga kababayan, diyan din po mag-uumpisa yung mga outbreak ng dengue. Kaya po ipinapayo po natin sa ating mga kababayan, sa mga kasangbahay natin na tulung-tulong po tayong maglinis ng ating mga kapaligiran, at ‘yung mga basura na pwede po nating mailagay sa maayos na disposal ay gawin na po natin. At sa awa’t tulong po Panginoong Dios, gaya ng lagi pong adbokasiya ni Kuya Daniel at Brother Eli, nandiriyan po ang grupong Ang Dating Daan upang lagi nang tumulong sa awa’t tulong ng Dios na ating magagawa.” (Ito Ang Balita ni Nestor Torres, UNTV News)
